Testimonya ng Isang Ina


Nagbabasa ako ng libro isang araw; pagbukas ng isang pahina ay hindi nakaligtas sa aking mga mata ang isang kwentong nakakaengganyong basahin. Iyon ay kwento ng isang guro tungkol sa Biyernes trese na itunuring niyang malas na araw ng kanyang buhay. Malas nga ba ang araw na ito?
Alas dos ng madaling araw nakaramdam ako ng pagkirot sa aking tiyan pababa sa aking puson. Nakaramdam ako ng takot na baka may kung sinong masamang nilalang ang balak kunin ang aking anak sa aking sinapupunan. Ginising ko ang natutulog kong asawa at maya’t maya lamang ay naramdaman ko ang pag-agos ng tubig. Noon ko lamang naisip na manganganak na pala ako. Halo halong imosyon ang aking naramdaman, mayroong takot, excitement, tuwa at kaba.
Alas sinco na at habang madalang na sumasakit ang aking tiyan ay tinungo namin ang ospital; pagkapasok ay mas lalo akong ginulo ng aking mga nararamdaman. Naiisip kong ito na nga dumating na ang araw na kinakatakutan ko ngunit hindi ko kinaligtaan ang pagdarasal dahil wala akong ibang makakapitan maliban dito. Suot ang rosary at pardon ay binagtas namin ang pasilyo patungong labor room na nasa ikalawang palapag. Narinig kong kinausap ng nurse ang asawa ko hindi na raw pwedeng pumasok ang mga bantay ng pasyente. Lumingon ako at nakita kong nakatayo ang asawa ko sa pintuan. Pumasok agad sa isip ko na baka iyon na ang huli naming pagkikita kung hindi ko lalakasan ang loob ko.
Alas sais at ang bilis bumaba ng anak ko sabi ng midwife—halos 1cm kada isang oras ang pagbaba nito. Naramdaman ko na tinutulungan ako ni baby. Ang totoo ay kinakausap ko si baby, sinasabi ko na tulungan niya ako, na lumangoy lang siya kasi nakakaboost iyon ng lakas ng loob. Sa tulong ng mga on job training nurses ay nabawasan ang sakit na halos isinisigaw ko na sa loob ng labor room, at nabawasan din ang pangamba ko dahil sa mga payo nila. Ngunit kung meron mang nagpapalakas ng loob ko meron din namang nandidiscourage, pinasok ko raw ang ganitong sitwasyon kahit bata pa ako kaya dapat kong tiisin at panindigan. Hindi naman ako bobo at alam ko ang responsibilidad ko.
Alas dose ng tanghali, sobrang sakit, napakasakit at walang katulad. Iniisip ko na baka hindi ko kayanin lalo na at tinanggal sa leeg ko ang natatangi kong kinakapitan. Naluha ako ngunit hindi ako nagpadala sa emosyon ko. Wala si mama sa tabi ko, wala rin ang asawa ko nakakaiyak parang wala akong makapitan pero hindi ako pinanghinaan ng loob.
Ala una ipinasok na ako sa delivery room, crowning na raw. Hindi na ako makahakbang sa sobrang sakit, napapaluhod na ako. Hindi ko alam pero kinakabahan ako para bara bang may kakaiba sa araw na yun. Narinig ko ang bulong ng OJT na nakaassign sakin, “bilisan mo ng manganak ma’am, out ko na po ng alas dos, para mabantayan kita kasi pag wala kami pababayaan na lang nila kayo!” Kinabahan ako bigla kasabay naman nun ng paghilab ng tiyan ko tuloy tuloy na hindi na humihinto.
Nilalakasan ko ang pag ere at salamat sa Diyos, 2:04, FRIDAY 13th, SEPTEMBER, umalingawngaw ang iyak ng isang batang lalaki sa loob ng paanakan. Tuwang tuwa ako at napaiyak, pinagmasdan ko ang aking anak, napakagandang regalo ng Diyos sa araw na itinuturing na malas ng ibang tao. Para sa akin napakablessed ng araw na iyon pagkatapos kong manganak saka ko lamang naisip na byernes trese nga pala.
Hindi parepareho ang paniniwala ng bawat isa, hindi rin naman natin masasabing may katuturan lahat ng iyon. Ang malas ay nakadepende sa paano mo ito tignan, dahil para sa akin, ang araw na pinaniniwalaang malas ay siyang araw na pinagpala ng Diyos na swerte sa buhay ko, at sa buhay na binigay para sa anak ko.


Testimonya ng Isang Ina Testimonya ng Isang Ina Reviewed by MarkandCharish on 10:34 PM Rating: 5

No comments:

Powered by Blogger.